Mabuhay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Sabado, Hulyo 30, 2011

Saligang Batas ng KPML - 2011

SALIGANG BATAS NG KPML

PREAMBULO

Kami, ang mga maralita ng lunsod, may antas ng kamalayang pampulitika at kamulatan sa uri, batid ang aping kalagayan ng kawalan ng disente, maayos, ligtas at tiyak na paninirahan, dumaranas ng matinding kahirapan ng pamumuhay at karahasan dulot ng maling sistemang umiiral na itinataguyod ng naghaharing uri pangunahin na ang globalisasyon; dulot nito’y malaganap na kaapihan, kawalan ng katarungang panlipunan, pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan; mababang pagtingin sa mga kababaihan; mithiin ang pagbabago ng lipunan; nagnanais ng isang sosyalistang kaayusan na may katarungan, pagkakapantay-pantay, may kaunlaran, at may dignidad na pamumuhay para sa lahat; may pagpapahalaga sa kalikasan at kapaligiran; nananalig at may tiwala sa masa at sa kapangyarihan ng mayoryang bilang ng mamamayan, ay nagbibigkis sa ganitong mga adhikain at mga simulain, na nagtatadhana at nagpapahayag ng Saligang Batas at Alituntunin.

ARTIKULO I
PANGALAN, TANGGAPAN AT PAGKAKAKILANLAN

Seksyon 1. Ang organisasyong ito ay KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD o KPML.

Seksyon 2. Ang sentrong tanggapan ng KPML ay itatayo sa loob ng Kalakhang Maynila, o sa lugar na pinagpasyahan ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 3. Ang KPML ay makikilala sa mga sumusunod:
a. Bandilang kulay pula na dalawang yarda ang haba at isang yarda ang lapad.
b. Nakalarawan sa bandila ang dalawang mukha at nakasulat sa ibaba nito ang mga titik na KPML sa kulay dilaw na may sukat na apat na talampakan ang haba at dalawang talampakan ang taas.

Seksyon 4. Ang opisyal na selyo ng KPML ay bilog na bakal na may diyametrong apat na sentimetro (4 cm.) kung saan nakaukit paikot ang mga katagang KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD, at sa gitna ay nakasulat ang KPML at Disyembre 18, 1986.

ARTIKULO II
PAHAYAG NG MGA PRINSIPYO

Seksyon 1. Ang KPML ay naniniwala na ang lahat ng kapangyarihang pang-organisasyon ay nagmumula sa kasapian.

Seksyon 2. Naniniwala ang KPML sa lakas at kapangyarihan sa iba’t ibang kakayahan at kaalaman ng sambayanan na paunlarin at baguhin ang lipunan.

Seksyon 3. Ang pakikipaglaban sa mga problema’t kahilingan at mga demokratikong karapatan ay pangunahing tungkulin ng mga organisasyon at mga kasapian ng KPML. Ang kasapian ay maaaring atasan ng organisasyon sa pamamagitan ng kanyang Saligang Batas at mga alituntunin na magkaloob ng personal na serbisyo at suporta sa mga nakatakdang gawain at mga pangangailangan.

Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Seksyon 5. Kinikilala ng KPML ang malaki at napakahalagang tungkulin ng kabataan at ng mga kababaihan sa pagbubuo ng mga organisasyon sa mga komunidad na magtataguyod ng kanilang kabutihang kaisipan, tungo sa pagbabago ng kasalukuyang bulok na sistema ng lipunan.

Seksyon 6. Naniniwala ang KPML na ang mga kababaihan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago at pag-unlad ng buong lipunan at dapat na magtamasa ng pantay na mga karapatan at dapat kilalanin ng lipunan.

Seksyon 7. Kinikilala rin ng KPML ang kahalagahan at pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan.

Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.

Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.

Seksyon 10. Naniniwala ang KPML na ang globalisasyon ang bagong anyo ng pananakop at pang-aalipin ng mga mayayaman at maunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at magdudulot ng patuloy at higit pang kahirapan ng mga maralita ng lunsod, ng manggagawa, at ng buong sambayanan.

ARTIKULO III
KATANGIAN NG ORGANISASYON

Seksyon 1. Ang KPML ay isang kumpederasyon na binubuo ng iba’t ibang mga samahan sa komunidad na nagbibigkis sa pormasyon ng mga lokal na samahan, balangay, pederasyon, asosasyon at alyansa na matatagpuan sa iba’t ibang pamayanan at erya ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Timog Katagalugan, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at ng mga indibidwal sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon na maitatayo ang KPML.

Seksyon 2. Ang KPML ang sentrong pampulitika at pang-ekonomyang organisasyon ng mga maralita na may pangunahing tungkuling isulong at ipaglaban ang mga demokratiko't lehitimong karapatan at mga kahilingan ng mga maralita ng lunsod.

Seksyon 3. Sa panahon ng halalan, ang KPML ay lalahok at tatayong makinarya sa eleksyon bilang pagkilala sa gawaing parlyamentaryo, malayang magpasya sa susuportahang partido, mga kandidato sa lokal at nasyunal sa pamamagitan ng mga patakarang gagabay at kaukulang makinaryang itatayo.

ARTIKULO IV
KASAPIAN

Seksyon 1. Ang regular na kasapi ng KPML ay ang mga maralita ng lunsod na natitipon sa iisang organisasyon sa mga komunidad ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Timog-Katagalugan, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon ng bansa.

Seksyon 2. Ang mga rekisitos sa pagsapi ay ang mga sumusunod:
a. Organisasyonal at direktang pagsapi sa KPML na ang indibidwal na kasapian ay hindi bababa sa dalawampung katao at higit pa.
b. Aktibong kumikilos para isulong ang mga usapin ng komunidad at mga karapatan ng mga mamamayan.
c. May resolusyon sa pagsapi, kasama ang organizational at community profiles.
d. Mga indibidwal na nakikiisa sa mga layunin, simulain, gawain, prinsipyo, at mga programa ng pagkilos ng KPML.
e. Handang sumunod sa Saligang Batas, Alituntunin, Pangkalahatang Programa, Pagkilos, mga Pinagtibay na Patakaran, Resolusyon, mga Atas (memorandum), at mga Panawagan ng KPML.
f. Ang mga indibidwal at mga pandangal ay maaaring sumapi sa KPML kung inirekomenda ng tatlong tao na kasapi ng KPML na lubos na nakakakilala sa indibidwal o pandangal na sasapi. Handa itong magbigay ng panahon sa KPML, suportang material, pinansya, handang umako ng gawain at tungkulin, at magbahagi ng kaalaman at talino sa organisasyon.
g. Sa panahon ng halalan ng KPML, ang mga indibidwal ay maaaring lumahok at kumatawan sa 20 indibidwal na kasapi, na dumaan sa proseso bilang grupo at inihalal.

Seksyon 3. Ang lahat ng sasaping organisasyon at mga kasapian nito, mga pandangal na kasapi, at mga indibidwal na kasapi, ay dapat na tapos at naunawaan ang Oryentasyon ng KPML, Saligang Batas, Alituntunin, Bisyon, Misyon, at Hangarin ng KPML.

ARTIKULO V
KARAPATAN AT TUNGKULIN NG MGA KASAPI

Seksyon 1. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:
a. Organisasyonal na kasapi: Maghalal at mahalal sa alinmang posisyon alindunod sa mga patakaran hinggil sa pagboto at kwalipikasyon ng mga kandidato; pumaloob sa anumang komite sa sentro, balangay, pederasyon at lokal na organisasyon.
b. Organisasyonal, indibidwal, at mga pandangal na kasapi; malayang makipagtalakayan sa mga kapulungan ukol sa anumang usapin.
c. Magpaabot ng anumang mungkahi, puna, reklamo, o rekomendasyon sa mga kinauukulang komite.
d. Mapaabutan ng anumang kopya ng mga ulat, kalatas, pahayagang Taliba ng Maralita, pahayag at iba pang mga lathalain ng organisasyon.
e. Makatarungang paglilitis kung nahahabla sa anumang kaso ng paglabag sa disiplina, Saligang Batas, Alituntunin at Patakaran ng organisasyon.
f. Magbitiw bilang kasapi ng KPML sa pamamagitan ng pormal na pagsusumite ng liham at pakikipag-usap sa kinauukulang opisyal, komite o tauhan ng KPML.
g. Magtamasa ng iba pang mga pribilehiyo na maaaring ipagkaloob ng KPML.

Seksyon 2. Ang mga tungkulin ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:
a. Tumalima sa Saligang Batas, Alituntunin, Pinagtibay na mga Patakaran, at mga panawagan ng sentrong organisasyon.
b. Buong sigasig na tumupad sa mga atas na gawain at desisyon ng organisasyon na humihingi ng kagyat at mahigpit na pagkakaisa.
c. Aktibong dumalo sa lahat ng pulong at masiglang lumahok sa mga talakayan, pag-aaral at mga pagsasanay, o sa anumang panawagan at pagkilos ng organisasyon.
d. Tumulong sa pagpapalawak at pagpapatatag ng organisasyon at masigasig na nagpapalaganap ng layunin, simulain, bisyon, misyon at hangarin ng KPML.
e. Magbayad ng buwanang butaw, bayad sa pagsapi, at kontribusyon na hinihingi ng organisasyon na pana-panahon na gagamitin sa mga aktibidad ng KPML.
f. Maagap na mag-ulat hinggil sa kalagayan ng lokal na organisasyon, kalagayan ng komunidad, at mga gawain na iniatas ng sentrong organisasyon.
g. Pangalagaan ang integridad at moralidad ng organisasyon, mga lider at mga kasapian.
h. Mag-ambag ng mga kaalaman hinggil sa iba’t ibang larangan ng gawain para sa ikalalakas ng pamumuno ng KPML, sa pagsusulong ng kagalingan ng maralita.

ARTIKULO VI
PAMBANSANG KONGRESO

Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ang pinakamataas na kapulungan ng KPML. Binubuo ito ng mga delegado mula sa rehiyon (balangay, pederasyon), Pambansang Konseho ng mga Lider, at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 2. Idaraos ang Pambansang Kongreso isang beses tuwing ikatlong taon, at ang ispesyal na Kongreso ay maaaring ipatawag sa kahilingan ng simpleng mayorya (50%+1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.

Seksyon 3. Ang kapangyarihan ng Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:
a. Magpatibay ng Saligang Batas, Alituntunin, mga Resolusyon at Programa ng Pagkilos.
b. Maghalal ng Pambansang Pamunuan.
c. Magpawalang-bisa ng mga programa ng pagkilos, o anumang kapasyahan ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

ARTIKULO VII
PAMBANSANG KONSEHO NG MGA LIDER

Seksyon 1. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ang ikalawang pinakamataas na kapulungan habang hindi nagaganap ang Pambansang Kongreso.

Seksyon 2. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ay binubuo ng mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap, mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad at pinuno ng pambansang komite sa pag-oorganisa, kampanya, propaganda, edukasyon at pinansya, at kinatawan mula sa kabataan. Ang bilang ng konseho ay maaaring madagdagan sa panahon na maitayo ang mga balangay sa iba’t ibang rehiyon at komite sa antas-pambansa.

Seksyon 3. Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad ay itinakda o inihalal ng kanilang mga tsapter sa eryang pinanggalingan.

Seksyon 4. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:
a. Magbuo o kaya’y magpawalang-bisa ng mga pangkalahatang patakaran, resolusyon, programa ng pagkilos, ayon sa isinasaad ng Saligang Batas.
b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samutsaring usapin na may kinalaman sa organisasyon at kapakanan ng buong kasapian.
c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap at Pambansang Konseho ng mga Lider.
d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pambansang Kongreso.
e. Ang mga kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

ARTIKULO VIII
PAMBANSANG LUPONG TAGAPAGPAGANAP

Seksyon 1. Ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, at Tagasuri.

Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano’t mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.
c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng gawain.
d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.
e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.
f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pambansang Kongreso at ng Pambansang Konseho ng mga Lider
h. Ang mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

ARTIKULO IX
PANGREHIYONG KONSEHO NG MGA LIDER

Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay binubuo ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap at mga kinatawan mula sa iba't ibang lalawigan, lunsod at munisipalidad at mga pinuno ng mga pangrehiyong komite sa pag-oorganisa, kampanya, edukasyon at pinansya.

Seksyon 2. Ang mga kinatawan ng iba't ibang rehiyon, lalawigan, lunsod at munisipalidad ay itinakda o inihalal ng mga balangay sa kanilang mga eryang pinanggalingan.

Seksyon 3. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:
a. Maghain ng mga pangrehiyong resolusyon, programa ng pagkilos sa Pambansang Konseho ng mga Lider, batay sa isinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 4-a ng Saligang Batas na ito.
b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samu't saring usapin na may kinalaman sa pangrehiyongorganisasyon at kapakanan ng buong kasapian.
c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider at Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap
d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pangrehiyong Kongreso.
e. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

ARTIKULO X
PANGREHIYONG LUPONG TAGAPAGPAGANAP

Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pamrehiyong Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, Tagasuri, Pinunong Tagapag-ugnay at Pinunong Tagapamayapa.

Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano't mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.
c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng mga gawain.
d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.
e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.
f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
h. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang mga hahalili sa kanila.

ARTIKULO XI
PULONG

Seksyon 1. Pambansang Konseho ng mga Lider
a. Magpupulong ang Pambansang Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

Seksyon 2. Pambansang Lupong Tagapagpaganap
a. Magpupulong ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

Seksyon 3. Mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider
a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

Seksyon 4. Mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap
a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

ARTIKULO XII
SUSOG

Seksyon 1. Ang Saligang Batas at Alituntunin ay maaaring susugan sa kapasyahan ng simpleng mayorya (50% + 1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.

Seksyon 2. Ang mga panukalang susog ay dapat ipaabot sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap o sa Preparatory Committee nito tatlumpung (30) araw bago dumating ang aktwal na Kongreso.

Seksyon 3. Ang sinumang kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganao na binubuo ng tatlong (3) tao, kasama ang program administrator ng KPML, ay maaaring humirang ng mga indibidwal na magiging kagawad ng NCL at NEC ayon sa kalagayan, gaya ng mga sumusunod:
a. Umaabot na sa 1/3 ng mga kagawad ng isang kapulungan ang lumiban, nagbitiw sa katungkulan o hindi na makatupad ng gawain;
b. Umiiral ang gipit na kalagayan at hindi na makapagdaos ng pulong, halalan o hindi makairal ang mga regular na gawain ayon sa isinasaad ng Saligang Batas at Alituntunin.

ARTIKULO XIII
PAGPAPATIBAY

Seksyon 1. Ang Saligang Batas na ito kaakibat ang Alituntunin nito ay sinusugan at pinagtibay ng mahigit 2/3 ng mga delegadong dumalo sa Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML, na isinagawa sa KKFI Covered Court, P. Paredes St., Sampaloc, Manila, ngayong ika-16 ng Hulyo, 2011.

Biyernes, Hulyo 29, 2011

Alituntunin ng KPML - 2011

ALITUNTUNIN NG KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD
(KPML BY-LAWS)

PAGKAKASAPI

Seksyon 1. Ang regular na kasaping organisasyon ay ang mga lokal na samahang maralita, mga indibidwal at mga pandangal.

Seksyon 2. Ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap at mga lupong tagapagpaganap ng mga balangay sa iba't ibang syudad, probinsya, o rehiyon ay hihirang ng komite sa pagsapi na hindi bababa sa tatlong katao na siyang magsusuri at magpapasya sa mga bagong kasapi.
a. Ang mga lokal na samahang sasapi ay kailangang dumaan sa proseso ng pagsapi.
b. Ang mga bagong kasaping LOs, indibidwal o pandangal ay kailangang umabot sa opisyal na kaalaman at pambansang pagsang-ayon ng pambansang pamunuan.

Seksyon 3. Ang mga pandangal na kasapi ng organisasyon ay mga indibidwal na may ispesyal na kasanayan, tulad ng doktor, inhinyero, abogado, guro, mga kinatawan ng simbahan, at iba pang propesyunal na handang mag-ambag ng kanilang talento at panahon, at handang maglingkod sa mga maralitang lungsod.

Seksyon 4. Mga indibidwal na nakikiisa sa mga layunin, simulain, prinsipyo, mga gawain at mga programa ng pagkilos ng KPML.

Seksyon 5. Ang mga indibidwal at pandangal na mga kasapi ay tatanggapin kung ang mga ito'y may sulat rekomendasyon ng tatlong kasapi ng KPML na lubos na nakakakilala sa sasapi at magsumite ng liham-mungkahi sa komite ng pagsapi na naglilinaw ng dahilan ng rekomendasyon.

Seksyon 6. Ang mga indibidwal at pandangal na kasapi ay maaaring lumahok sa mga deliberasyon ng mga usapin, magbigay ng opinyon o mungkahi, subalit hindi maaaring bumoto o mahalal sa anumang posisyon sa pamunuan, maliban kung ang mga ito ay magsasama-sama o magtitipon bilang grupo ng mga indibidwal na di bababa sa 20 katao o higit pa at magtatalaga ng kanilang mga kinatawan.

Seksyon 7. Ang mga balangay ay binubuo ng mga lokal na organisasyon na may kasaping 20 katao pataas at mga indibidwal na kasapi.

Seksyon 8. Ang mga balangay na may kasaping tatlong organisasyon pataas ay maaaring itayo sa erya o pamayanan na may malaking konsentrasyon ng mga maralita sa mga syudad, munisipalidad ng mga probinsya sa iba't ibang rehiyon.

Seksyon 9. Ang mga balangay ay itatayo sa pamamagitan ng pagbubuo ng organizing committee na binubuo ng mga indibidwal mula sa iba't ibang samahan sa erya, pamayanan, mga purok, at sityo na siyang paggaganapan at magtitiyak ng mahusay na koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na organisasyon, hanggang sa ganap na maitayo ang balangay.

Seksyon 10. Pangangasiwaan at pamumunuan ng mga balangay ang mga partikular na isyu't pakikibakang pangkomunidad sa partikular na saklaw ng balangay, at mamahala sa mga usaping may kinalaman at natatangi sa lugar na saklaw.

Seksyon 11. Ang mga maitatayong balangay ay kailangang agarang maipaabot sa kaalaman ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap, kalakip ang kabuuang impormasyon para sa opisyal na akreditasyon ng balangay.

Seksyon 12. Ang mga balangay ay malayang magpatikularisa ng mga gawain na nakabatay sa pangkalahatang plano't programa ng pagkilos mula sa sentrong pambansang organisasyon upang mapalakas at mapaunlad ang inisyatiba at dinamismo ng mga balangay, pederasyon, lokal na samahan at mga kasaping indibidwal para makaangkop sa pamamaraan sa pagtupad ng mga balak at mga gawain ng KPML.

Seksyon 13. Tinitiyak ng mga balangay sa lahat ng kasapi nitong samahan, pederasyon o mga alyansa na napapatupad ang mga plano ng gawain, pagkilos, mga panawagan, at kapasyahan ng buong organisasyon at tumalima sa mga atas ng mga namumunong kapulungan ng KPML, at tinitiyak din na napapanatiling aktibo ang mga kasaping organisasyon.

Seksyon 14. Tatlong taong singkad ang termino ng pamumuno ng mga pinuno ng mga balangay simula sa araw ng kanilang pagkahalal hangga't wala silang kahalili, na hangga't maaari'y di lalagpas ng tatlong buwan.

Seksyon 15. Ang mga sasaping organisasyon ay magbabayad ng organizational membership fee na halagang isandaang piso (P100.00) minsan lamang at tatlong piso (P3.00) isang buwan bawat indibidwal na kasapi bilang butaw na lilikumin ng regular ng responsableng lupon.

BUTAW

Seksyon 16. Ang organization membership fee ay isesentro sa Pambansang Tanggapan ng KPML.

Seksyon 17. Ang buwanang butaw na tatlong piso (P3.00) ay babahagiin sa tatlong bahagdan - piso (P1.00) sa balangay, piso (P1.00) sa rehiyon, at piso (P1.00) sa nasyunal.

Seksyon 18. Mahigpit na ipinatutupad ang bayarin ng organizational membership fee at buwanang butaw na itinakda. Ang di pagtupad nito ay itinuturing na isang paglabag sa mga alituntunin at patakaran. Alinmang kasaping organisasyon o mga indibidwal na di tumutupad ay lalapatan ng karampatang disiplina.

Seksyon 19. Ang mga ispesyal na halaga ay maaaring isagawa anumang oras ng 2/3 na boto ng mga dumalo sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider o ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 20. Ang mga kapanalig at pandangal na kasapi ay di kasama sa pagbabayad ng buwanang butaw, ngunit tatamasahin lahat ng pribilehiyo bilang kasapi maliban sa pagboto at paghawak ng posisyon sa organisasyon hanggang kasapi lamang.

ELEKSYON

Seksyon 21. Ang eleksyon ay gaganapin tuwing ikatlong (ika-3) taon, na mag-uumpisa mula nang maitatag ang mga kapulungan ng KPML (nasyunal, rehiyonal, syudad, munisipalidad at erya).

Seksyon 22. Maaaring lamang ipagpaliban ang eleksyon sa iba't ibang antas ng organisasyon kung may sasapat at balidong kadahilanan at may resolusyon ng kapasyahan ng nakatayong Konseho ng mga Lider sa pambansa, rehiyon at lokal na konseho.

Seksyon 23. Ang sistema ng halalan ng KPML sa aktwal na kongreso ay sa pamamagitan ng sekretong balota kung saan sabay na ihahalal ang lahat ng mga kagawad ng pamunuan mula Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Pambansang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Pambansang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Pambansang Ingat-Yaman, at Pambansang Tagasuri.

Seksyon 24. Ang magiging batayan ng isang kandidadto para manalo sa alinmang posisyon sa aktwal na halalan ay ang pinakamaraming botong nakamit.

Seksyon 25. Ang mga kandidato ay magmumula sa iba't ibang erya, rehiyon, syudad, munisipalidad, na kinikilusan ng KPML na dumaan sa nominasyon sa mga idinaos na Pre-Congress.

Seksyon 26. Hihirangin ng Lupong Tagapagpaganap sa iba't ibang antas ng kapulungan ng KPML ang mga kasapi sa Komite sa Eleksyon na magmumula sa labas ng KPML na kanyang mga kapanalig na organisasyon.

Seksyon 27. Ipinahihintulot lamang ang mga 'proxy' o kahalili sa pagboto sa isang kondisyon na ang voting delegate ay may nakasulat na kapahintulutan sa 'proxy' para bumoto.

Seksyon 28. Hindi pinahihintulutan na mahalal sa aktwal na eleksyon ang mga kandidatong nakaliban sa aktwal na Kongreso, maliban kung may sapat at balidong kadahilanan.

Seksyon 29. Sa aktwal na eleksyon na idinaos ng Kongreso ng KPML, ang desisyon ng Komite sa Eleksyon ang siyang masusunod.

Seksyon 30. Ang sinumang mga kandidato ay may karapatang maghain ng nakasulat na reklamo sa Komite sa Eleksyon sa loob ng pitong araw pagkalipas ng aktwal na eleksyon. Hindi na tatanggapin ng Komite sa Eleksyon ang mga reklamong isinampa na lampas sa itinakdang araw ng pagpoprotesta.

PAMBANSANG KONSEHO NG MGA LIDER

Seksyon 31. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider na mula sa iba't ibang antas ng pormasyon ng pagkakaorganisa (pambansa, rehiyonal, syudad, munisipalidad, at mga erya) ang ikalawang pinakamataas na mapagpasyang kapulungan ng KPML.

Seksyon 32. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ay itatalaga ng mga balangay mula sa iba't ibang rehiyon, syudad, munisipalidad at mga erya.

Seksyon 33. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ay binubuo ng mga sumusunod: Pitong kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap; isa mula sa Pambansang Punong Rehiyon (NCR), isamula sa ZOTO, tig-isa mula sa Rizal, Iloilo, Negros, Bulacan, at Timog Katagalugan, at mula sa kabataan. Ang bilang ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay maaaring madagdagan sa panahong ang mga balangay ng KPML ay maitayo sa iba pang rehiyon, probinsya, syudad at munisipalidad.

Seksyon 34. Lahat ng kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay inihalal o opisyal na naitalaga mula sa mga rehiyon, probinsya, syudad at munisipalidad na kinikilusan ng KPML.

Seksyon 35. Ang mga kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay manunungkulan sa loob ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang mga hahalili sa kanila.

Seksyon 36. Sa iba't ibang antas ng organisasyon, ang Konseho ng mga Lider ang siyang pangalawang pinakamataas na kapulungang mapagpasya.

MGA OPISYALES NG PAMBANSANG LUPONG TAGAPAGPAGANAP

Seksyon 37. Ang mga opisyales ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ng KPML ay binubuo ng mga sumusunod: Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Pambansang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Pambansang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Pambansang Ingat-Yaman, at Pambansang Tagasuri.

PAMBANSANG TAGAPANGULO

Seksyon 38. Ang Pambansang Tagapangulo ang siyang mamumuno sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider, Pambansang Lupong Tagapagpaganap, at Pambansang Kongreso.

Seksyon 39. Ang Pambansang Tagapangulo ang pangunahing kakatawan sa KPML sa mga opisyal na pakikipag-ugnayan sa ibang organisasyon sa loob at labas ng bansa, at tatayong opisyal na tagapagsalita ng mga posisyon at desisyon ng KPML.

Seksyon 40. Ang Pambansang Tagapangulo ang lalagda sa lahat ng opisyal na liham, transaksyon at gastusin ng KPML.

Seksyon 41. Ang Pambansang Tagapangulo ay pana-panahong nagpapatawag ng mga pulong ng mga lider ng lokal na organisasyon para sa paglilinaw ng mga desisyon hinggil sa mga mayor na usapin na may kaugnayan sa KPML, mga pagkilos, mga panawagan, at mga kapasyahan.

Seksyon 42. Ang Pambansang Tagapangulo ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PANGALAWANG PAMBANSANG TAGAPANGULO - PANLOOB

Seksyon 43. Ang Pangalawang Pambansang Tagapangulo - Panloob ang katuwang ng Pambansang Tagapangulo sa mga gawain ng panguluhan at sa pagpapatupad at paggampan sa mga gawain at tungkulin hinggil sa pang-organisasyonal na responsibilidad, at hahalili sa Pambansang Tagapangulo sa panahon na ito'y nasa labas ng bansa, may pagliban o pagkakasakit, pagbibitiw, o iba pang pangyayaring hindi maiiwasan.

Seksyon 44. Ang Pangalawang Pambansang Tagapangulo - Panloob ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PANGALAWANG PAMBANSANG TAGAPANGULO - PANLABAS

Seksyon 45.Ang Pangalawang Pambansang Tagapangulo - Panlabas ang magiging katuwang ng Pambansang Tagapangulo sa pagpapatupad at paggampan sa mga gawain at tungkulin hinggil sa gawaing adbokasya, pakikipag-alyansa, networking, at siyang hahalili sa Pangalawang Pambansang Tagapangulo sa panahong ito'y lumiban at iba pang pangyayaring di maiiwasan.

Seksyon 46. Ang Pangalawang Pambansang Tagapangulo - Panlabas ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PAMBANSANG PANGKALAHATANG KALIHIM

Seksyon 47. Ang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ang mangangasiwa sa kalihiman ng sentrong organisasyon at mga komite.

Seksyon 48. Ang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ang magtitiyak sa koordinasyon at komunikasyon sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 49. Ang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ang mangangasiwa at magsusumite ng regular na ulat sa pulong ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 50. Ang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PANGALAWANG PAMBANSANG PANGKALAHATANG KALIHIM

Seksyon 51. Ang Pangalawang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ang siyang katuwang at kaagapay ng Pambansang Pangkalahahatang Kalihim.

Seksyon 52. Ang Pangalawang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ang mangangalaga ng mga ispesyal na ulat at katitikan ng pulon ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 53. Ang Pangalawang Pambansang Pangkalahatang Kalihim ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PAMBANSANG INGAT-YAMAN

Seksyon 54. Ang Pambansang Ingat-Yaman ang siyang magtitiyak ng mahusay na pangangasiwa sa pondo't kabang-yaman at pangkalahatang badyet ng organisasyon.

Seksyon 55. Ang Pambansang Ingat-Yaman ang mangunguna sa pag-aaral at pagpaplano ng mga proyekto sa pangangalap ng pondo sa mga programa ng organisasyon.

Seksyon 56. Tungkulin ng Pambansang Ingat-Yaman na magsagawa at magsumite ng regular na ulat ng pinansya sa pulong ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 57. Ang Pambansang Ingat-Yaman ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PAMBANSANG TAGASURI

Seksyon 58. Ang Pambansang Tagasuri ang mangunguna sa pagsusuri't pag-aaral sa mga ulat-pampinansya at tutulong sa Pambansang Ingat-Yaman sa pangangasiwa ng mga gawaing pampinansya sa mga programa ng KPML.

Seksyon 59. Ang Pambansang Tagasuri ay gagampan ng iba pang gawain at tungkuling iaatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

PAMBANSANG KALIHIMAN

Seksyon 60. Ang Pambansang Kalihiman ang magiging katuwang ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap sa implementasyon ng mga pinagkaisahang plano at mga gawain ng KPML, mga pagkilos at mga panawagan ng organisasyon, pagpapatagos ng mga desisyon sa iba't ibang komite sa ilalim ng kalihiman, subaybayan ang implementasyon ng mga plano at gawain, regular na mag-ulat, maghain ng rekomendasyon sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap at magtitiyak na naipatutupad ang mga desisyon at patakaran, at mangangasiwa sa araw-araw na gawain ng organisasyon.

Seksyon 61. Ang Pambansang Kalihiman ay binubuo ng iba't ibang komite pangunahin ang pag-oorganisa, edukasyon, kampanya, propaganda, pinansya at mga ispesyal na komite para sa partikular na plano at gawain. Ito'y direktang pamumunuan ng Pambansang Pangkalahatang Kalihim.

Seksyon 62. Regular na napupulong ng Pambansang Kalihiman ang mga pinuno ng komite sa sinasaad sa alituntuning ito at regular na mag-uulat sa pulong ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 63. Ang Pambansang Kalihiman ang magtataktisa ng iba't ibang usapin na may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng pangkalahatang plano ng pagkilos ng organisasyon.

ADMINISTRATIBO, PINANSYA AT TAUHAN

Seksyon 64. Ang Administratibo, Pinansya at Tauhan ay binubuo ng Administrador ng Programa, Pambansang Ingat-Yaman at isang kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap. Tinitiyak nito ang pangangasiwa ng sentrong tanggapan, pondo ng organisasyon, mga ari-arian at tauhang fulltime o part-time at mga boluntaryong istap ng KPML.

Seksyon 65. Tungkulin ng Administratibo, Pinansya at Tauhan ang mga sumusunod:

a. Tatayong tagapamahala ng tanggapan, ari-arian, at mga tauhan ng organisasyon:
b. Magbalangkas ng mga patakaran at sistema sa pangangasiwa ng pananalapi, ari-arian at mga tauhan ng organisasyon;
c. Mangangasiwa at magtitiyak sa maayos na komunikasyon at koordinasyon sa iba pang NGOs, POs, GOs at mga institusyon sa loob at labas ng bansa;
d. Mamumuno sa pagpoproseso at magrerekomenda ng pagtanggap at pagtanggal ng mga istap;
e. Magsagawa ng ebalwasyon sa mga tauhan ng programa;
f. Regular na magsumite ng ulat sa pulong ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

MGA KOMITE

Seksyon 66. Ang KPML ay magpapatupad ng mga layunin at balak nito sa pamamagitan ng mga komite at programa. Ang mga komite, sa tulong ng mga istap ng programa, ay may kapangyarihang magbalangkas ng mga plano na aayon sa Prinsipyo, Layunin at Pangkalahatang Programa ng Pagkilos, at ibabatay sa mga kagyat at aktwal na pangangailangan ng mga balangay at ng buong organisasyon.

Seksyon 67. Ang mga komite ay maaaring regular o ispesyal. Ang mga regular na komite ay iiral batay sa isinasaad ng Saligang Batas at Alituntunin. Ang mga ispesyal na komite ay bubuuin ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap batay sa aktwal na pangangailangan ng organisasyon.

Seksyon 68. Ang bawat komite ay magkakaroon ng pinunong hihirangin ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap. Ang bawat komite ay may istap at kinatawan mula sa bawat balangay. Ito ay magpupulong ayon sa kanilang mapapagkasunduan o batay sa pangangailangan.

Seksyon 69. Ang bawat komite ay may tungkuling magsumite ng regular na ulat sa Pangkalahatang Kalihim o sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 70. Ang mga komite ng organisasyon at ang kanilang mga tungkulin ay ang mga sumusunod:

KOMITE SA EDUKASYON AT PAGSASANAY

Seksyon 71. Magbalangkas ng pangkalahatang kurikulum para sa organisasyon at kasapian na siyang magiging gabay at batayan sa mga pag-aaral at pagsasanay na idinaos.

Seksyon 72. Magsagawa ng mga modyul, visual aids, powerpoint presentation, ng mga pag-aaral at kursong napapaloob sa pangkalahatang kurikulum.

Seksyon 73. Magbigay ng mga pag-aaral at oryentasyon sa mga komiteng binuo ng mga balangay, pederasyon, at mga lokal na organisasyon, kasama na ang pampulitikang pag-aaral upang maitaas ang pampulitikang kamulatan ng mga kasapi.

Seksyon 74. Magbalangkas ng gabay ng pagtalakay sa mga isyu na nakaaapekto sa mga maralitang lungsod.

Seksyon 75. Maglunsad, mangasiwa, at magtiyak na napapatupad ang mga programa at iskedyul ng mga pag-aaral at pagsasanay.

Seksyon 76. Mapaunlad ng mga trainors / edukador mula sa hanay ng kasapian at pamunuan sa mga kasaping organisasyon.

Seksyon 77. Tiyakin na may plano sa edukasyon ang mga balangay at tumatagos ito sa mga kasaping organisasyon.

KOMITE SA PAG-OORGANISA

Seksyon 78. Tiyakin ang pagpapalawak ng kasapian ng organisasyon at magrekomenda ng pagtatatag ng mga pederasyon, balangay at lokal na organisasyong masa at pag-oorganisa ng iba pang sektor na nakabase sa mga komunidad.

Seksyon 79. Tiyakin ang aktibong paglahok ng mga kasapian sa lahat ng gawain ng organisasyon, pagbibigay ng mga pag-aaral at kasanayan hinggil sa gawaing pag-oorganisa at pagpapakilos.

KOMITE SA PANANALIKSIK, DOKUMENTASYON, PROPAGANDA AT PAMPUBLIKONG IMPORMASYON

Seksyon 80. Magsagawa ng masinop na pananaliksik, dokumentasyon at pag-databank ng mga isyu, batas, patakaran, pangyayari, balita, at mga usaping may kaugnayan o nakakaapekto sa mga maralitang lungsod, kasama na ang mga isinagawang pagkilos ng mga maralita at ng organisasyon.

Seksyon 81. Tiyaking napapalaganap ang mga posisyon ng organisasyon hinggil sa iba't ibang isyu sa publiko at sa mga kasapian sa pamamagitan ng media, paglalabas ng mga pahayag (media advisory, press statement, press releases), pahayagan (Taliba ng Maralita) at napapanahong polyeto, praymer, atbp.

Seksyon 82. Pangasiwaan ang opisyal na pahayagan ng organisasyon at mga buwanang buletin, at tiyakin ang pamamahagi nito sa mga komunidad na kinikilusan.

Seksyon 83. Magsagawa ng feedback mechanism upang malaman ang mga reaksyon ng mga kasapian at publiko hinggil sa inilabas na mga pahayag ng organisasyon.

Seksyon 84. Pagsasaayos ng blog ng KPML (http://kpml-org.blogspot.com), at pagtiyak na ito'y laging updated.

Seksyon 85. Paggawa ng modyul hinggil sa propaganda at pagbibigay ng pag-aaral hinggil sa gawaing pagsusulat at propaganda sa mga kasapian ng mga balangay ng organisasyon.

KOMITE SA KAMPANYA AT GAWAING ADBOKASYA

Seksyon 86. Pangunahan ang mga pag-aaral kung paano patatampukin ang mga isyu ng mga maralitang lungsod sa pormang kampanya. Magsasagawa ng malinaw na plano't pag-aanalisa hinggil sa mga problema't isyu ng komunidad.

Seksyon 87. Magsagawa ng mga patakaran at programa para sa pagpapakilos ng organisasyon.

Seksyon 88. Alamin ang mga pambansa at sektoral na pagkilos o kampanya na maaaring lahukan o suportahan ng organisasyon. Magtitiyak na ang mga isyung dinadala sa mga pagkilos at kampanyang ilulunsad at dadaluhan ng organisasyon, ay alinsunod at makapagpapanday sa mga prinsipyo at alituntunin ng organisasyon, kasama na ang pagbubuo ng mga network ng mga kaibigan, alyansa at suporta ng mga maralitang lungsod.

Seksyon 89. Tiyakin ang pagtatasa ng lahat ng mga kampanya sa bawat antas ng organisasyon.

Seksyon 90. Pagtitiyak na nakapagpapadalo ng mga maralita sa rali hinggil sa iba't ibang isyung nakakaapekto sa maralita at sa mamamayan sa kabuuan.

KOMITE SA PINANSYA

Seksyon 91. Magbalangkas ng pangkalahatang plano at programa kaugnay sa usaping pampinansya ng organisasyon.

Seksyon 92. Gumabay, magtiyak at gumawa ng pagtatasa sa mga proyekto at programa ng komite sa pinansya ng organisasyon.

Seksyon 93. Mangulekta ng butaw at kontribusyon, at manguna sa paggawa ng mga patakaran, sistema sa pinansya, at paraan ng mas mahusay na pangangasiwa ng pondo ng organisasyon.

KOMITE SA KAGALINGAN AT SERBISYO

Seksyon 94. Tumulong sa paglulunsad at pangangasiwa sa mga proyektong pang-serbisyo sa mga balangay, pederasyon at sa mga kasaping lokal na organisasyon, katulad ng pangkalusugan, pangkabuhayan, ligal, teknikal, relief, at iba pa.

Seksyon 95. Gumawa ng gabay sa pagdaraos ng mga pagsasanay sa pangangasiwa ng mga proyektong pangkabuhayan o serbisyo sa komunidad na nakabatay sa pangangailangan ng balangay, pederasyon at lokal na organisasyon.

Seksyon 96. Makipag-ugnayan sa iba't ibang institusyon na nakapagbibigay ng tulong o serbisyo sa KPML at mga kasapi nito.

Seksyon 97. Pangunahan ang pag-aaral hinggil sa mga proyektong ilulunsad na angkop sa mga balangay, pederasyon, lokal na organisasyon at mga komunidad na kinikilusan.

KOMITE SA INTERNASYUNAL NA PAKIKIPAG-UGNAYAN

Seksyon 98. PangAunahan ang pag-aaral kung paano patatampukin ang mga isyu ng mga maralitang lungsod sa labas ng bansa.

Seksyon 99. Pangasiwaan ang pagbubuo ng programa at mga patakaran sa exposure para sa dayuhang bisita ng KPML.

Seksyon 100. Tiyaking regular na nauugnayan ang mga nabuong kontak mula sa loob at labas ng bansa.

KOMITE SA KABABAIHAN AT GAWAING PANGKABUHAYAN

Seksyon 101. Pangunahan at tiyakin na integral sa lahat ng aspeto ng gawain at pagkilos ng organisasyon ang usapin ng kababaihan at aktibo nilang paglahok.

Seksyon 102. Makipag-ugnayan sa iba't ibang NGOs, POs, at GOs na ang tutok ng kanilang gawain ay sa usapin ng kababaihan at pangkabuhayan.

Seksyon 103. Tumulong sa pag-oorganisa at pagmumulat sa mga kababaihan sa mga komunidad.

PONDO AT BAYARIN

Seksyon 104. Ang batayang pondo ng pananalapi ng KPML ay magmumula sa bayad sa pagsapi at buwanang butaw ng mga indibidwal na kasapi, mga proyektong pampinansya at mga kontribusyon.

Seksyon 105. Ang mga sasaping organisasyon, matapos tanggapin bilang kasapi ay magbabayad sa pagsapi ng halagang isandaang piso (P100.00) minsanan lamang. At magbabayad ang mga indibidwal na kasapi ng buwanang butaw na halagang tatlong piso (P3.00) lamang.

Seksyon 106. Ang pamunuan ng KPML ay maaaring magpataw ng mga natatanging buwis sa mga indibidwal na kasapi, ayon sa mapapagkasunduan.

Seksyon 107. Ang KPML ay mangangalap din ng pondo, lohistika at suporta mula sa mga kaalyado sa loob at labas ng bansa at ang pondong makakalap ay ipantutustos sa mga pangangailangan ng buong organisasyon.

Seksyon 108. Ang talaan ng pampinansya ay bukas sa pagsusuri ng lahat ng mga kasapi ng KPML sa oras lamang ng opisina.

Seksyon 109. Ang lahat ng pondo na malilikom ng KPML ay dapat ideposito ng Pambansang Ingat-Yaman sa isang marangal na bangko sa pangalan ng organisasyon at walang bayarin ang maaaring gawin maliban na lamang kung ang pagkakautang ay sinang-ayunan ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap at nilagdaan ng Pambansang Tagapangulo.

PAGBIBITIW

Seksyon 110. Ang sinumang indibidwal na kasapi ng KPML ay maaaring magbitiw anumang oras ngunit kailangang may nakasulat na paliwanag ng pagbibitiw at makipag-usap sa pamunuan ng organisasyon o sa kinauukulang organo ng KPML sa iba't ibang antas ng pagkakaorganisa.

PAGTITIWALAG

Seksyon 111. Alinman sa mga probisyon nitong alituntunin at patakarang nasasaad dito ay maaaring maging dahilan ng paglalapat ng aksyong pandisiplina sa sinumang kasapi o pinuno ng KPML na napatunayang lumabag, gaya ng mga sumusunod:

a. Paglabag sa Saligang Batas, Alituntunin at Permanenteng Patakaran.
b. Hindi pagtupad sa mga tungkulin at gawaing iniatas ng Pambansang Konseho ng mga Lider at ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.
c. Pagsabotahe sa mga plano ng pagkilos at panawagan, layunin, at prinsipyo ng organisasyon.
d. Tatlong sunud-sunod na di pagdalo sa pulong ng walang paliwanag at walang nakasulat na dahilan.
e. Pag-abuso sa katungkulan at paggamit sa kanyang posisyon upang mapagtakpan ang kapabayaan sa tungkulin at gawain.
f. Paggamit at paglustay ng pinansya at / o rekurso ng organisasyon nang walang kapahintulutan ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap.
g. Pang-aabusong sekswal sa kababaihan, tulad ng mga sumusunod:
(1) Rape
(2) Panghihipo sa maseselang bahagi ng katawan ng babae o ng lalaki
(3) Malalaswang salita
(4) Mga imoral na relasyon, pakikiapid, pambababae, panlalalaki
h. Paninira / pang-aalipusta sa organisasyon, pamunuan, at mga kasapian.
i. Pagmumura, panlalait, paninira, at pang-iintriga sa organisasyon
j. Pisikal na pananakit

Seksyon 112. Ang anumang reklamo laban sa sinumang pinuno o kasapi ng KPML sa iba't ibang antas ng organisasyon ay kinakailangang magsumite ng paabiso sa pamamagitan ng liham na ipaaabot sa kinauukulang responsableng pinuno, kaninuman sa opisyales ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 113. Sa kaso na ang pangulo ang nasasangkot o nirereklamo o alinman sa mga Pambansang Lider, matapos mapatunayang balido ang reklamo ay kagyatang magsasagawa ang Konseho ng mga Lider sa kaukulang antas ng organisasyon ng kagyatang paglalapat ng preventive suspension sa nirereklamo, at kagyatang magsagawa ng pagsisiyasat sa reklamo.

Seksyon 114. Karapatan ng sinumang nahahabla, pinuno man o kasapi na mabigyan ng kopya ng reklamo at sagutin sa loob ng itinakdang panahon.

Seksyon 115. Ang Lupong Tagapagpaganap, ayon sa antas ng organisasyon, ay hihiran ng Komite sa Pribilehiyo na siyang magsusuri sa mga paglabag at irerekomenda ang resulta ng kanilang pagsusuri sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 116. Ang anumang aksyong pandisiplina na igagawad sa sinumang pinuno at kasaping organisasyon ay pagpapasyahan ng Konseho ng mga Lider sa kaukulang antas ng organisasyon.

Seksyon 117. Ang sinumang pinuno o kasapi na sinampahan ng kaso o reklamo ay kailangang magpaabot ng nakasulat na paliwanag ng kanyang panig at ipaabot sa Lupong Tagapagpaganap sa loob ng isang linggo pagkatapos matanggap ang pabatid na reklamo.

Seksyon 118. Ang sinumang kasapi ng KPML ay maaaring itiwalag dahil sa rekomendasyon ng mayorya ng Komite sa Pribilehiyo at aprubado ang rekomendasyon ng simpleng mayorya ng mga kagawad ng Konseho ng mga Lider na dumalo sa pulong para sa ganitong layunin. 
KORUM

Seksyon 119. Ang gagamiting pamantayan para maging balido ang mga pulong at desisyon ng organisasyon ay mahigit kalahati ng kailangang dumalo sa pulong at mahigit kalahati ng bumoto sa desisyon o simpleng mayorya (50% + 1).

PATAKARANG PARLAMENTARYO

Seksyon 120. Patakarang parlamentaryo ang gagamiting paraan ng talakayan sa lahat ng pulong na gagamitin ng KPML para maiwasan ang salimbayan ng usapin at upang mapairal sa loob ng organisasyon ang propesyonalismo sa pangangasiwa ng mga pulong. Sa ganitong layunin ay magtatalaga ng kaukulang Komite sa Pribilehiyo, Etika, at Patakaran.

Seksyon 121. Ang sinumang kagawad ng pamunuan sa iba't ibang antas ng kapulungan na magpabaya sa tungkuling iniatas sa isang partikular na pulong ay pupunahin.

Seksyon 122. Ang sinumang kagawad ng pamunuan na lumiban sa pulong ng walang liham o balidong kadahilanan ay papaabutan ng puna, matinding puna sa susunod na paglabag at suspensyon sa ikatlong huling paglabag.

Seksyon 123. Walang kasapi na maaaring bigyan ng permiso na magsalita ng higit sa tatlong beses na hindi lalagpas sa tatlong minuto at isang beses lamang magsasalita sa iisang katanungan.

Seksyon 124. Walang sinuman, maliban sa kasapi, ang maaaring magsalita para sa organisasyon maliban kung ang isang tao na hindi kasapi ay binigyan lamang ng karapatan kung may kapahintulutan ng organisasyon upang magsalita, maglahad sa layunin na makakatulong sa paglilinaw at paglutas ng mga usapin.

Seksyon 125. Lahat ng mungkahing resolusyon ay nararapat na pormal na nakasulat at ipiprisinta na may lagda ang kinauukulang nagmumungkahi ng resolusyon, maging ito ay mula sa lokal na organisasyon, tsapter, pederasyon, at rehiyon sa pambansang pamunuan ng KPML upang pag-aralan, suriin at pagpasyahan.

SUSOG

Seksyon 126. Ang Alituntuning ito ay maaaring susugan sa alinmang regular na pulong ng simpleng mayorya ng Pambansang Konseho ng mga Lider sa paabiso ng mungkahing susog ay naibigay sa bawat isa sa nakaraang pulong at ito'y sinang-ayunan.

PAGPAPATIBAY

Seksyon 127. Ang Alituntuning ito ay sinusugan at pinagtibay ng mahigit 2/3 ng mga delegadong dumalo sa Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML na isinagawa sa KKFI Covered Court, P. Paredes St., Sampaloc, Manila, ngayong ika-16 ng Hulyo, 2011.

Lunes, Enero 31, 2011

Oryentasyon ng KPML

ORYENTASYON NG KPML


A. ANO ANG KPML?

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML) ay isang Kumpederasyon ng iba’t ibang samahan ng mamamayan sa Komunidad na naglalayong buklurin ang mga maralita ng lunsod sa isang pananaw, paninindigan at layunin upang maging epektibong pampulitikang pwersa sa pagbabago ng kalagayan ng maralita sa lipunan.

Ito ay isang kumpederasyon na may pambansang katangian, kung saan ang mga samahan mula sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, lunsod at bayan, ay maaring maging kasapi. Ito ay nagpapairal ng demokratikong sistema sa loob ng organisasyon kung saan ang mga opisyales ay halal at ang Saligang Batas, Alituntunin (By-Laws), mga resolusyon, mga programa at patakaran ay pinagtibay ng buong kasapian.

Mula sa pambansang punong rehiyon kung saan unang itinayo ng maralita ang KPML, sa kasalukuyan ay may mga balangay at kasaping mga pederasyon at mga lokal na samahan sa Panay-Guimaras, Bacolod, Cebu, Cavite, Rizal, Laguna, sa kahabaan ng riles, at masigla ang mga ugnayan sa mga samahang maralita sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Mindanao, at Visayas.

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita. Wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.


PILOSOPIYA NG ORGANISASYON

1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili

2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso

3. Ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangan ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.

4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.

5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.

6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon

7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.

8. Ang banta at panganib ay bahagi ng buhay ng mga maralita ng lunsod


BISYON SA LIPUNAN

Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran


BISYON SA ORGANISASYON

Isang pambansang organisasyon ng mga maralita na kinikilalang nangunguna at tumitindig sa kapakanan ng mamamayan na may malakas na impluwensyang pampulitika at may programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng maayos na serbisyong panlipunan.


MISYON

Maging isang pampulitika at pang-ekonomiyang sentro na namumuno para sa karapatan at kaunlaran ng mga maralita sa pamamagitan ng mga programang magbibigay at magtitiyak ng mga serbisyong panlipunan sa kanyang sektor.


MGA HANGARIN

HANGARING PAMPULITIKA

Pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita para sa pag-establisa ng kapangyarihang pampulitika

HANGARING PANGSOSYO-EKONOMIKO

Kamtin ang pagtindig sa sariling lakas at pagsusulong ng pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkkaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian.

HANGARING PANG-ORGANISASYON

Mapagana, mapalakas at mapakilos ang sariling dinamismo ng sentrong nasyonal, mga rehiyon, pederasyon, tsapter at lokal na samahan bilang pampulitika at pang-ekonomiyang organisasyon ng mga maralita.


MGA PROGRAMA NG KPML

Ang KPML ay may mga programang nagsisilbi sa layunin at makinarya sa pagpapatakbo ng organisasyon at pagpapatupad ng mga plano’t gawain ng mga sumusunod:

1. Programa sa Pag-oorganisa

Ang programang ito ang nagtitiyak ng kooperasyon, tulungan at koordinasyon sa pagitan ng KPML at mga samahan sa iba’t ibang komunidad, kalunsuran, bayan, lalawigan, at ng rehiyon. Ito rin ang makinarya sa pagpapalawak at pagbubuo ng mga samahan at balangay ng KPML, at pag-oorganisa ng iba pang sektor na nakabase sa komunidad, tulad ng kababaihan, kabataan, vendors, TODA, PODA, mga walang tahanan, mga walang trabaho, atbp.

2. Programa sa Edukasyon at Pagsasanay

Ang programang ito ang mag-aasikaso at magtitiyak ng mga angkop na pag-aaral at pagsasanay ng mga kasapian ng organisasyon. Pangunahing layunin nito ay madagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga lider at kasapian, pagtataas ng kanilang kamulatang pampulitika at malaman ang mga usapin at problemang nakaaapekto sa maralita.

3. Programa sa Kampanyang Masa at Adbokasiya

Ang programang ito ang magsisilbing daluyan ng mga pagkilos ng sektor hinggil sa iba’t ibang isyu at problemang tuwiran at di-tuwirang nakaaapekto sa mga maralita at mamamayan.

4. Programa sa Pinansiya’t Lohistika

Ang programang ito ang magtitiyak ng panustos at mga rekurso sa pagsusustena ng mga plano’t gawain ng KPML sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan.

5. Programa sa Pananaliksik, Dokumentasyon, Pangkabatiran at Propaganda

Ang programang ito ang responsable sa gawaing pananaliksik sa iba’t ibang mga isyu, programa’t mga proyekto, mga batas at mga patakarang nakaaapekto sa maralita. Pagtatala ng mga pangyayari sa mga pagkilos ng mga maralita, pagbibigay-kabatiran sa mga kasapi at publiko sa pamamagitan ng paglalathala ng pahayagan, polyeto, media advisory, letters-to-the-editors, press statements at press releases.

6. Programa sa Solidarity, Lokal at Internasyunal

Ang programang ito ang siyang responsable sa pakikipag-ugnayan ng KPML sa labas ng bansa at pakikipag-kooperasyon sa iba’t ibang perspektiba.

7. Programa sa Pangkagalingan at Serbisyo

Ang programang ito ang magbibigay ng iba’t ibang serbisyo na kinakailangan ng mga kasapi ng KPML, tulad ng serbisyong legal, paralegal, counselling, medikal, teknikal, at mga referral. Isa itong “action line” o network ng iba’t ibang serbisyo.

8. Programa sa Parlamentaryo

Ang programang ito ang siyang magtitiyak na ang KPML ay magsisilbing makinarya sa kampanyang elektoral, kung sakaling may pinagkaisahang susuportahang kandidato ang buong organisasyon. Ito rin ang magtitiyak ng pagla-lobby sa Kongreso at Senado ng mga agenda ng maralita.

9. Programa sa Pangkababaihan

Ang programang ito ang magtitiyak na ang mga usapin ng kababaihan, tulad ng gender equality, reproductive health, family right, economic right, at right to suffrage ay napapalaganap.

10. Programa sa Community Development at Selfhelp Resettlement Project

Ang programang ito ang inisyal na magpapasimula ng pagsangkot sa mga sariling inisyatiba ng maralita para sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad tulad ng land acquisition, housing amenities, atbp.

11. Programa sa HIV at AIDS

Ang programang ito ang nagbibigay ng pag-aaral hinggil sa HIV at AIDS, at nagbibigay ng makakayanang tulong sa mga may HIV at AIDS.

12. Programa sa Microfinance

Ang programang microfinance ang siyang nagpapautang ng kaunting puhunan sa mga magulang ng mga bata at kabataang manggagawa upang makatulong sa pamilya, at matiyak na ang mga bata at kabataang manggagawa ay makabalik sa paaralan.

13. Programa laban sa Child Labor

Ang programang ito ang siyang nakatutok sa mga bata at kabataang manggagawa upang ang mga ito’y makabalik sa paaralan, at sa pamamagitan ng paralegal ay matigil na ang mga pang-aabuso at karahasan laban sa mga bata at kabataang manggagawa.

14. Programa sa Child and Youth Rights

Ang programang ito ang siyang nakatutok sa pagtalakay sa karapatan ng mga bata at kabataan upang malaman nila at maipatanggol ang kanilang mga karapatan

Saligang Batas ng KPML

SALIGANG BATAS NG KPML


PREAMBULO


Kami, ang mga maralita ng lunsod, may antas ng kamalayang pampulitika at kamulatan sa uri, batid ang aping kalagayan ng kawalan ng disente, maayos, ligtas at tiyak na paninirahan, dumaranas ng matinding kahirapan ng pamumuhay at karahasan dulot ng maling sistemang umiiral na itinataguyod ng naghaharing uri pangunahin na ang globalisasyon; dulot nito’y malaganap na kaapihan, kawalan ng katarungang panlipunan, at panlipunan at pang-ekonomyang kapangyarihan; mababang pagtingin sa mga kababaihan; mithiin ang pagbabago ng lipunan; nagnanais ng isang sosyalistang kaayusan ng lipunan na may katarungan, pagkakapantay-pantay at may kaunlaran, na may dignidad na pamumuhay para sa lahat; may pagpapahalaga sa kalikasan at kapaligiran; nananalig at may tiwala sa masa at sa kapangyarihan ng mayoryang bilang ng mamamayan, ay nagbibigkis sa ganitong mga adhikain at mga simulain, na nagtatadhana at nagpapahayag ng Saligang Batas at mga Alituntunin.


ARTIKULO I

PANGALAN, TANGGAPAN AT PAGKAKAKILANLAN


Seksyon 1. Ang organisasyong ito ay tinatawag na KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD o KPML.


Seksyon 2. Ang sentrong tanggapan ng KPML ay itatayo sa loob ng Kalakhang Maynila, o sa lugar na pinagpasyahan ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.


Seksyon 3. Ang KPML ay makikilala sa mga sumusunod:

a. Bandilang kulay pula na dalawang yarda ang haba at isang yarda ang lapad.

b. Nakasulat sa gitna ng bandila ang mga titik na KPML sa kulay dilaw na may sukat na apat na talampakan ang haba at dalawang talampakan ang taas.


Seksyon 4. Ang opisyal na selyo ng KPML ay bilog na bakal na may diyametrong apat na sentimetro (4 cm.) kung saan nakaukit paikot ang mga katagang KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD, at sa gitna ay nakasulat ang KPML at Disyembre 18, 1986.


ARTIKULO II

PAHAYAG NG MGA PRINSIPYO


Seksyon 1. Ang KPML ay naniniwala na ang lahat ng kapangyarihang pang-organisasyon ay nagmumula sa kasapian.


Seksyon 2. Naniniwala ang KPML sa lakas at kapangyarihan sa iba’t ibang kakayahan at kaalaman ng sambayanan na paunlarin at baguhin ang lipunan.


Seksyon 3. Ang pakikipaglaban at paglutas sa mga problema’t kahilingan at mga demokratikong karapatan ay pangunahing tungkulin ng mga organisasyon at mga kasapian ng KPML. Ang kasapian ay maaaring atasan ng organisasyon sa pamamagitan ng kanyang Saligang Batas at mga alituntunin na magkaloob ng personal na serbisyo at suporta sa mga nakatakdang gawain at mga pangangailangan.


Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.


Seksyon 5. Kinikilala ng KPML ang malaki at napakahalagang tungkulin ng kabataan at ng mga kababaihan sa pagbubuo ng mga organisasyon sa mga komunidad na magtataguyod ng kanilang kabutihang kaisipan, tungo sa pagbabago ng kasalukuyang bulok na sistema ng lipunan.


Seksyon 6. Naniniwala ang KPML na ang mga kababaihan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago at pag-unlad ng buong lipunan at dapat na magtamasa ng pantay na mga karapatan at dapat kilalanin ng lipunan.


Seksyon 7. Kinikilala rin ng KPML ang kahalagahan at pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan.


Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.


Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.


Seksyon 10. Naniniwala ang KPML na ang globalisasyon ang bagong anyo ng pananakop at pang-aalipin ng mga mayayaman at maunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at magdudulot ng patuloy at higit pang kahirapan ng mga maralita ng lunsod, ng manggagawa, at ng buong sambayanan.


ARTIKULO III

KATANGIAN NG ORGANISASYON


Seksyon 1. Ang KPML ay isang kumpederasyon na binubuo ng iba’t ibang mga samahan sa komunidad na nagbibigkis sa pormasyon ng mga lokal na samahan, balangay, pederasyon, asosasyon at alyansa na matatagpuan sa iba’t ibang pamayanan at erya ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Cavite, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at ng mga indibidwal sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon na maitatayo ang KPML.


Seksyon 2. Ang KPML ang sentrong pampulitika at pang-ekonomyang organisasyon ng mga maralita na may pangunahing tungkuling isulong at ipaglaban ang mga demokratiko't lehitimong karapatan at mga kahilingan ng mga maralita ng lunsod.


Seksyon 3. Sa panahon ng halalan, ang KPML ay lalahok at tatayong makinarya sa eleksyon bilang pagkilala sa gawaing parlyamentaryo, malayang magpasya sa susuportahang partido, mga kandidato sa lokal at nasyunal sa pamamagitan ng mga patakarang gagabay at kaukulang makinaryang itatayo.


ARTIKULO IV

KASAPIAN


Seksyon 1. Ang regular na kasapi ng KPML ay ang mga maralita ng lunsod na natitipon sa iisang organisasyon sa mga komunidad ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Cavite, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon ng bansa.


Seksyon 2. Ang mga rekisitos sa pagsapi ay ang mga sumusunod:

a. Organisasyonal at direktang pagsapi sa KPML na ang indibidwal na kasapian ay hindi bababa sa dalawampung katao at higit pa.

b. Aktibong kumikilos para isulong ang mga usapin ng komunidad at mga karapatan ng mga mamamayan.

c. May resolusyon sa pagsapi, kasama ang organizational at community profiles.

d. Mga indibidwal na nakikiisa sa mga layunin, simulain, gawain, prinsipyo, at mga programa ng pagkilos ng KPML.

e. Handang sumunod sa Saligang Batas, Alituntunin, Pangkalahatang Programa, Pagkilos, mga Pinagtibay na Patakaran, Resolusyon, mga Atas (memorandum), at mga Panawagan ng KPML.

f. Ang mga indibidwal at mga pandangal ay maaaring sumapi sa KPML kung inirekomenda ng tatlong tao na kasapi ng KPML na lubos na nakakakilala sa indibidwal o pandangal na sasapi. Handa itong magbigay ng panahon sa KPML, suportang material, pinansya, handang umako ng gawain at tungkulin, at magbahagi ng kaalaman at talino sa organisasyon.

g. Sa panahon ng halalan ng KPML, ang mga indibidwal ay maaaring lumahok at kumatawan sa 20 indibidwal na kasapi, na dumaan sa proseso bilang grupo at inihalal.


Seksyon 3. Ang lahat ng sasaping organisasyon at mga kasapian nito, mga pandangal na kasapi, at mga indibidwal na kasapi, ay dapat na tapos at naunawaan ang Oryentasyon ng KPML, Saligang Batas, Alituntunin, Bisyon, Misyon, at Hangarin ng KPML.


ARTIKULO V

KARAPATAN AT TUNGKULIN NG MGA KASAPI


Seksyon 1. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:

a. Organisasyonal na kasapi: Maghalal at mahalal sa alinmang posisyon alindunod sa mga patakaran hinggil sa pagboto at kwalipikasyon ng mga kandidato; pumaloob sa anumang komite sa sentro, balangay, pederasyon at lokal na organisasyon.

b. Organisasyonal, indibidwal, at mga pandangal na kasapi; malayang makipagtalakayan sa mga kapulungan ukol sa anumang usapin.

c. Magpaabot ng anumang mungkahi, puna, reklamo, o rekomendasyon sa mga kinauukulang komite.

d. Mapaabutan ng anumang kopya ng mga ulat, kalatas, pahayagang Taliba ng Maralita, pahayag at iba pang mga lathalain ng organisasyon.

e. Makatarungang paglilitis kung nahahabla sa anumang kaso ng paglabag sa disiplina, Saligang Batas, Alituntunin at Patakaran ng organisasyon.

f. Magbitiw bilang kasapi ng KPML sa pamamagitan ng pormal na pagsusumite ng liham at pakikipag-usap sa kinauukulang opisyal, komite o tauhan ng KPML.

g. Magtamasa ng iba pang mga pribilehiyo na maaaring ipagkaloob ng KPML.


Seksyon 2. Ang mga tungkulin ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:

a. Tumalima sa Saligang Batas, Alituntunin, Pinagtibay na mga Patakaran, at mga panawagan ng sentrong organisasyon.

b. Buong sigasig na tumupad sa mga atas na gawain at desisyon ng organisasyon na humihingi ng kagyat at mahigpit na pagkakaisa.

c. Aktibong dumalo sa lahat ng pulong at masiglang lumahok sa mga talakayan, pag-aaral at mga pagsasanay, o sa anumang panawagan at pagkilos ng organisasyon.

d. Tumulong sa pagpapalawak at pagpapatatag ng organisasyon at masigasig na nagpapalaganap ng layunin, simulain, bisyon, misyon at hangarin ng KPML.

e. Magbayad ng buwanang butaw, bayad sa pagsapi, at kontribusyon na hinihingi ng organisasyon na pana-panahon na gagamitin sa mga aktibidad ng KPML.

f. Maagap na mag-ulat hinggil sa kalagayan ng lokal na organisasyon, kalagayan ng komunidad, at mga gawain na iniatas ng sentrong organisasyon.

g. Pangalagaan ang integridad at moralidad ng organisasyon, mga lider at mga kasapian.

h. Mag-ambag ng mga kaalaman hinggil sa iba’t ibang larangan ng gawain para sa ikalalakas ng pamumuno ng KPML, sa pagsusulong ng kagalingan ng maralita.


ARTIKULO VI

PAMBANSANG KONGRESO


Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ang pinakamataas na kapulungan ng KPML. Binubuo ito ng mga delegado mula sa rehiyon (balangay, pederasyon), Pambansang Konseho ng mga Lider, at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.


Seksyon 2. Idaraos ang Pambansang Kongreso isang beses tuwing ikatlong taon, at ang ispesyal na Kongreso ay maaaring ipatawag sa kahilingan ng simpleng mayorya (50%+1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.


Seksyon 3. Ang kapangyarihan ng Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:

a. Magpatibay ng Saligang Batas, Alituntunin, mga Resolusyon at Programa ng Pagkilos.

b. Maghalal ng Pambansang Pamunuan.

c. Magpawalang-bisa ng mga programa ng pagkilos, o anumang kapasyahan ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.


ARTIKULO VII

PAMBANSANG KONSEHO NG MGA LIDER


Seksyon 1. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ang ikalawang pinakamataas na kapulungan habang hindi nagaganap ang Pambansang Kongreso.


Seksyon 2. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ay binubuo ng mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap, mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad at pinuno ng pambansang komite sa pag-oorganisa, kampanya, propaganda, edukasyon at pinansya, at kinatawan mula sa kabataan. Ang bilang ng konseho ay maaaring madagdagan sa panahon na maitayo ang mga balangay sa iba’t ibang rehiyon at komite sa antas-pambansa.


Seksyon 3. Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad ay itinakda o inihalal ng kanilang mga tsapter sa eryang pinanggalingan.


Seksyon 4. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:

a. Magbuo o kaya’y magpawalang-bisa ng mga pangkalahatang patakaran, resolusyon, programa ng pagkilos, ayon sa isinasaad ng Saligang Batas.

b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samutsaring usapin na may kinalaman sa organisasyon at kapakanan ng buong kasapian.

c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap at Pambansang Konseho ng mga Lider.

d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pambansang Kongreso.

e. Ang mga kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

f. Tatlong termino lamang ang ipagkakaloob sa bawat mahahalal na kagawad nito.


ARTIKULO VIII

PAMBANSANG LUPONG TAGAPAGPAGANAP


Seksyon 1. Ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, Tagasuri, Pinunong Tagapag-ugnay at Pinunong Tagapamayapa.


Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:

a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pambansang Konseho ng mga Lider.

b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano’t mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.

c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng gawain.

d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.

e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.

f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider.

g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pambansang Kongreso at ng Pambansang Konseho ng mga Lider

h. Ang mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

i. Tatlong termino lamang ang ipagkakaloob sa bawat mahahalal na mga kagawad nito.


ARTIKULO IX

PANGREHIYONG KONSEHO NG MGA LIDER


Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay binubuo ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap at mga kinatawan mula sa iba't ibang lalawigan, lunsod at munisipalidad at mga pinuno ng mga pangrehiyong komite sa pag-oorganisa, kampanya, edukasyon at pinansya.


Seksyon 2. Ang mga kinatawan ng iba't ibang rehiyon, lalawigan, lunsod at munisipalidad ay itinakda o inihalal ng mga balangay sa kanilang mga eryang pinanggalingan.


Seksyon 3. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:

a. Maghain ng mga pangrehiyong resolusyon, programa ng pagkilos sa Pambansang Konseho ng mga Lider, batay sa isinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 4-a ng Saligang Batas na ito.

b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samu't saring usapin na may kinalaman sa pangrehiyongorganisasyon at kapakanan ng buong kasapian.

c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider at Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap

d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pangrehiyong Kongreso.

e. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

f. Tatlong termino lamang ang ipagkakaloob sa bawat mahahalal na mga kagawad nito.


ARTIKULO X

PANGREHIYONG LUPONG TAGAPAGPAGANAP


Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, Tagasuri, Pinunong Tagapag-ugnay at Pinunong Tagapamayapa.


Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:

a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.

b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano't mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.

c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng mga gawain.

d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.

e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.

f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.

g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.

h. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang mga hahalili sa kanila.

i. Tatlong termino lamang ang ipagkakaloob sa bawat mahahalal na mga kagawad nito.


ARTIKULO XI

PULONG


Seksyon 1. Pambansang Konseho ng mga Lider

a. Magpupulong ang Pambansang Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.


Seksyon 2. Pambansang Lupong Tagapagpaganap

a. Magpupulong ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.


Seksyon 3. Mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider

a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.


Seksyon 4. Mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap

a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.


ARTIKULO XII

SUSOG


Seksyon 1. Ang Saligang Batas at Alituntunin ay maaaring susugan sa kapasyahan ng simpleng mayorya (50% + 1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.


Seksyon 2. Ang mga panukalang susog ay dapat ipaabot sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap o sa Preparatory Committee nito tatlumpung (30) araw bago dumating ang aktwal na Kongreso.


Seksyon 3. Ang sinumang kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganao na binubuo ng tatlong (3) tao, kasama ang program administrator ng KPML, ay maaaring humirang ng mga indibidwal na magiging kagawad ng NCL at NEC ayon sa kalagayan, gaya ng mga sumusunod:

a. Umaabot na sa 1/3 ng mga kagawad ng isang kapulungan ang lumiban, nagbitiw sa katungkulan o hindi na makatupad ng gawain;

b. Umiiral ang gipit na kalagayan at hindi na makapagdaos ng pulong, halalan o hindi makairal ang mga regular na gawain ayon sa isinasaad ng Saligang Batas at Alituntunin.


ARTIKULO XIII

PAGPAPATIBAY


Seksyon 1. Magkakabisa ang Saligang Batas at Alituntuning kaakibat nito matapos susugan at pagtibayin ng lahat ng mga delegado ng Ikatlong Pambansang Kongreso ng KPML, na isinagawa sa Brgy. Hall ng Brgy. Damayang Lagi, Lungsod ng Quezon, ngayong ika-29 ng Hulyo, 2007.